Saturday, March 2, 2013

parang kelan lang...

natatandaan mo pa ba? iyong mga panahong naghahalungkat ka ng barya sa mga bag mo para pambili ng pan de coco at pancit canton? malayo pa kasi ang suweldo. at wala kayong pambili ng pagkain ng best friend at housemate mo. kaya lahat ng bag niyo, hinahalungkat nyo -- hoping na may makita kayong kahit bente pesos lang. o limang piso na coin na kapag naipon, pantawid gutom na rin. halagang bente pesos, solb na kayong dalawa... sampung pan de coco. dalawang pancit canton sa tindahan sa labas ng apartment nyo. kapag may baryang dalawang piso -- ibibili nyo ng dalawang chocnut. dessert nyo. 

parang kelan lang. galing sa ukay ang suot mong blouse. ang bag mo ay nabili mo sa tiangge sa greenhills. 300 pesos lang. ang sapatos mo, galing landmark. wala pang 500. kaya ka lang nagkaroon ng sosyal na pabango dahil nabili mo ng tinggi sa market!market! iyong tinatakal at 40 pesos per 1 ml.

kapag araw ng suweldo ka lang nakakakain sa labas. 350 per meal. treat na sa iyo yun. bihira iyun. sa araw ng suweldo ka lang din nakaka-grocery. natatandaan mo iyong wala pa suweldo pero paubos na ang shampoo mo? nilalagyan mo na lang ng tubig yung bote pare dumami. o kaya, nanghihingi ka sa shampoo ng best friend mo.

isang buwan mong pinag-ipunan ang dalawang libong ginastos mo para sa unang beses mong umakyat ng baguio kasama mga barkada mo. ilang beses kang napuputulan ng easy call pager dahil hindi ka makapagbayad ng 250 na monthly fee. inuutang mo sa housemate mo ang renta dahil kapos ka at hindi mo kaya ang 1,500 a month na share mo.  

yung kauna-unahang PC mo, binili mo sa greenhills. 12k. inutang mo pa sa best friend mo na binabayaran mo buwan-buwan ng 500 pesos. iyun ang ginamit mo sa pagsulat ng raket sa isang magazine. at eventually, pagsulat ng script nang maging tv writer ka.

parang antagal na noon... at parang ibang-iba ka na sa taong iyun...

ngayon, andaming damit sa cabinet mo na hindi mo pa nagagamit -- may tag pa -- at last year mo pa binili sa mamahaling tindahan sa shangrila. totoong leather ang gamit mong bag na ang presyo ay isang buwang suweldo na para sa iba. nasa 3000 ang halaga ng mga tsinelas na inaapakan mo. game ka sa mga biglaang buffet sa hotel, na hindi inaalala kung magkano ibabayad mo. kapag bored ka, nagbo-book ka ng flight o kaya nagsha-shopping online.

anlaki na nga ng pinagbago mo... anlayo na ng narating mo... pero bakit parang mas masaya ka pa noon? noong simple lang ang buhay. noong wala kang masyadong pera?

kapag iniisip mo ang mga taon na lumipas, mas masaya ka noong nasa unang apartment ka -- kasama ang dalawa mong kaibigan. na ngayon ay parehong may asawa at anak na... kahit pancit canton at pan de coco lang kinakain mo, masaya pa rin kayo... nangingiti ka tuwing naaalala mo iyong isang friday night na wala kayong pera, nag-patugtog kayo ng mga dance songs sa apartment, nagtimpla ng pomelo juice, pinatay ang ilaw, at nagkunwaring nasa club kayo. o iyong mga panahong umiinom kayo ng tanduay na tubig ang chaser -- dahil iyun lang ang afford nyo.

mas malutong ang tawa mo noon. mas totoo ang saya mo. mas tapat ang mga taong nakapaligid sayo...

tama nga sila... hindi kayang bilhin ng pera ang kaligayahan. at hindi kayang ibalik ng pera ang mga oras na lumipas... sabi nga ni katy perry, "all this money can't buy me a time machine..."

ngayong matanda ka na... parang andami mo gusto sabihin sa younger self mo. ang dami mong gustong baguhin. ang dami mong gustong balikan at ayusin... kung puwede lang sana...

i guess it's one of the saddest feelings -- iyung marealize mo na mas masaya ang buhay mo noon... pero hindi mo masyado na-appreciate. hindi mo napahalagahan. at ngayon, lipas na... hindi mo na mababalikan..

but it's not too late... kesa mag-wallow ka sa kalungkutan, at panay ang balik sa nakaraan, gamitin mo na lang ang mga natutunan mo at i-apply sa buhay mo. alam mo na kung ano ang talagang magpapasaya sayo -- gawin mo. hanapin mo. and make the most out of it. kesa pagsisihan mo na naman ito, ten to fifteen years from now...

this blog entry is brought to you by PMS and another script deadline.


2 comments:

Joy Mesina said...

This is soooo touching..and nakakarelate ako

Joy Mesina said...

This is soooo touching..and nakakarelate ako